Huskers, bigong masungkit ang panalo sa homecourt sa Game 1 ng MPBL-South Finals
Bigong makabuwenamano ang Quezon Huskers sa Game 1 ng best-of-three-series ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Division Finals kontra sa Batangas City Tanduay Rum Masters, Nob.10.
Hindi ininda ng dayo ang sigawan ng home team fans sa kabubukas pa lamang na Lucena City Convention Center sa dikit at mainit na laban, 75-69.
Pinangunahan ni dating MAPUA star Carlos “CJ” Isit ang pag-atake ng Rum Masters habang sina Dawn Ochea at John Ambulodto naman ang nagdomina sa ilalim ng court at nakapagrehistro ng pinagsamang 17 rebounds dahilan para makakuha ng mas maraming second chance points ang kanilang koponan na dumaig sa Huskers.
Bumida si Isit na kumamada ng 17 puntos, pitong rebounds, apat na steals, at tatlong assists na itinanghal na best player of the game.
“…tonight was really just a game of heart… We just came from a game, two nights ago, traveled yesterday, came in, practice,” pahayag ni Isit matapos ang laro.
Mainit na agad ang naging palitan ng puntos ng dalawang koponan sa 1st half na nagtapos sa iskor na 36-36.
Mas naramdaman pa ang tensyon sa 3rd quarter dahil sa pisikalan. Marami sa puntos na naitala ng magkabilang team ay galing sa free throw. Lumamang na rito ang Batangas. 54-52.
Sagutan pa rin ng puntos sa 4th quarter hanggang sa 4:26 mark na naitala ng Rum Masters ang pinakamalaking kalamangan, 68-80 dahil sa magkakasunod na puntos nina Ochea at Ambulodto.
Bumawi ng magkasunod na basket ang bigman ng Quezon na si Ximone Zandagon at sharp shooter na si Judel Fuentes, 68-64, 3:22 ang nalalabing oras.
Naibaba pa ng Huskers sa tatlo ang kalamangan matapos magpakawala ng three-points ni Fuentes 1:22 bago maipasok ni Juneric Baloria ang driving lay-up na nagsilbing dagger ng laro.
Idadaos ang game 2 sa Batangas City Coliseum sa Nobyembre 12. Kung mananalo ang Rum Masters, aabante na sila sa national finals habang babalik naman sa Quezon para sa game 3 kapag nanalo ang Huskers. //Paye Shimry Castro