Joint program ng DILG at DA, opisyal nang inilunsad kahapon
Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., opisyal na inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG), KADIWA ay Yaman (KAY), at Plants for Bountiful Barangays Movement (PBBM) kahapon, March 1, 2023.
Bilang pakikiisa ay isinagawa ng DA IV-CALABARZON (DA-4A) ang kaparehong aktibidad sa Sto. Tomas, Batangas kung saan ito ay naglayon na simulan ang pagtatayo ng community gardens upang itatag ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Kagawaran tungo sa pagpapalakas ng produksyon ng gulay at prutas sa rehiyon.
Direkta ring nakapagbenta ang tatlumpu’t siyam (39) na Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa mga mamimili sa bayan sa ginanap na KADIWA ng Pangulo.
Ang HAPAG KAY PBBM ay magkasanib na programa ng Department of the Interior and Local Government o DILG at ng DA o Department of Agriculture bilang suporta sa tulak ng kasalukuyang administrasyon na tugunan ang gutom at matiyak ang food security sa bansa.
Isang diskarte ay sa pamamagitan ng paghikayat sa pagtatatag ng mga barangay community gardens upang pag-iba-ibahin ang mga pinagkukunan ng pagkain at upang madagdagan ang produksyon at supply ng mga sariwang prutas at gulay sa mga komunidad.
Matatandaan kamakailan ay inaprubahan sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang panukalang ordinansa na magkaroon ng community gardens ang mga barangay sa nasabing Lungsod.
Ang programang ito ay nag-aatas sa lahat ng barangay na magsagawa ng community garden sa pagtutulungan ng pribado at pampublikong sector kung saan bawat tahanan at komunidad ay hihikayating magtanim ng gulay at prutas sa mga bakanteng lupa.