News

Lalaki, patay matapos pagbabarilin sa Lucena City

Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na salarin nitong Martes ng umaga sa bahagi ng Purok Narra, Brgy. Isabang sa Lucena City.

Kinilala ng Lucena PNP ang biktima na si Charles Moises Vidal, 33-anyos at residente ng Brgy. Ilayang Talim ng naturang lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng tama ng bala ng baril si Vidal sa bahagi ng kanyang ulo.

Batay report ng pulisya, lulan ang biktima ng kaniyang motorsiklo papunta sa kaniyang trabaho nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang riding in tandem bandang alas 6:30 ng umaga.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 4 na basyo ng bala.

Narekober naman sa bag ng biktima ang isang kalibre 40 at 3 magazine nito na loaded ng mga bala, mga ID’s at iba pang gamit nito.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang motibo sa pamamaril.

Ito na ang ika-apat na insidente ng pamamaril sa lungsod sa loob ng halos dalawang linggo.

Pin It on Pinterest