Local

Mga barangay sa Lucena City patuloy ang pagtalima sa nationwide community-based clean-up drive program

Patuloy ang pagtalima ng mga barangay sa lungsod ng Lucena sa programa ng nasyunal na pamahalaan na Barangay at Kalinisan Day o BarKaDA.

Sa unang araw ng Marso, alas-sais ng umaga, nagtungo ang mga kawani ng Barangay 2 sa pangunguna ni Punong Barangay Enrico delos Rios katuwang ang ilang residente sa bakanteng lote para linisin ang lugar na nagmistulang tambakan ng basura.

Nasa 15 sako ng plastic, construction materials, at bulok na mga halaman ang kanilang nakolekta.

Bukod sa paglilinis, nagpaskil din sila ng mga information, education, and communication material tungkol sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000

Sa paggabay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Lucena City, naisasakatuparan ng mga barangay ang kanilang tungkulin alinsunod sa Memorandum Circular No. 2023-133 ng kagawaran na naglalayong palakasin ang bayanihan batay na rin sa kahilingan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Lingguhang naglilinis ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga residente at iba’t ibang volunteer groups para mapanatiling ligtas ang kapaligiran, maiwasan ang pagkalat ng sakit, at maisabuhay ng wasto ang solid waste management sa pamamagitan ng programang inilunsad noong Setyembre 2023.

Pin It on Pinterest