LocalNews

Mga kandidato sa Quezon, lumagda para sa isang malinis, marangal na halalan 2025

Isang kasunduan ang nilagdaan ng mga kandidato sa lalawigan ng Quezon na kaiisa sila ng Commission on Elections (Comelec) , Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsusulong ng malinis , marangal at may dignidad na kampanya sa halalan 2025.

Isang Unity Walk at Peace Covenant ang isingawa sa Lucena City kung saan dumalo at nagpakita ng suporta ang mga lokal na kandidato sa pagkagobernador, bise-gobernador, kinatawan ng apat na distrito at sa pagka-boardmember ng lalawigan. Present din at kaiisa ang mga local candidates sa Lucena City.

Mula sa Lucena City Police Station, naglakad sila patungong Pacific Mall Open Grounds para sa isang unity walk.

Lahat sila ay pumirma sa isang panata na sila ay lalahok sa halalan na may malinis na intensyon sa mamamayan na ang plataporma ay para sa pangkalahatang programa sa lahat ng nasasakupan.

Nakasaad dito na iwawaksi nila ang kampanyang nakabatay sa kasinungalingan, hindi gagamit ng makabagong teknolohiya na Artificial Intelligence (AI) para manira. Ganoon din ang pagtutol sa vote buying.

At higit sa lahat iwawaksi nila at hindi susuportahan ang anumang grupo na kumakatawan sa armadong pakikibakang Communist Terrorist Group ng naglalayong pabagsakin ang pamahalaan at mga Private Armed Groups na walang puwang sa malaya at demokratikong halalan.

Isa-isang lumagda para rito ang mga kandidato na pinangunahan nina Incumbent Governor Dra. Helen Tan at incumbent Vice Governor Anacleto “Third” Alcala III.

Nangunan naman sa Lucena City sina Mayor Mark Alcala, Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala kasama ang mga bagong tatakbong konsehal na sina Niñel Pedro, Willy Baldonado at mga kasalukuyang konsehal na sina Amer Lacerna, Wilbert Noche, Beth Sio, Christian Ona, Patrick Nadera, Danny Faller, at Baste Brizuela.

Sa huli, sama-sama silang nagpalipad ng mga kalapati na sumisimbolo sa isang secure, accurate, free and fair elections.

Samantala, dinaluhan ang aktibidad ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Quezon.

Nakiisa rin dito ang mga barangay official ng lungsod maging ang mga tagasuporta ng mga kandidato.

Pin It on Pinterest