News

Mga uuwi sa mga probinsya ngayong Semana Santa dagsa na sa Philippine Ports Authority sa Lucena City

Nagsimula nang dumagsa ang mga pasaherong uuwi sa mga lalawigan para gunitain ang Semana Santa.

Pasado alas 7:00 pa lang nitong Linggo ng umaga, medyo mahaba na ang pila ng mga pauwi sa mga probinsya sa Philippine Ports Authority o PPA sa Lucena City.

Halos doble na ito sa karaniwang bilang ng mga pasahero na bumabiyahe kada araw.

Kaya naman si Christian galing pa ng Makati City mula sa kanyang pinagtatrabahuhan, mas piniling umagap na pag-uwi ngayon sa kanilang probinsya ng Romblon upang hindi na makipagsabayan sa mas dagsa pang bilang ng mga pasahero at para na rin daw ma-enjoy ang long weekend kasama ang pamilya.

“Para mas kaunti ang tao tsaka mas mabilis makakuha ng ticket para mas makasama mo yung pamilya mo kasi long weekend tas dineclare yung April 10 as holiday. Para maraming time na makasama yung pamilya kasama na rin ang mag unwind na rin para ma-distress sa trabaho,” sabi ni Christian.
Ayon pa sa ilang pasahero, uuwi na sila ng mas maagap sa kanilang probinsya para mas sulit ang bakasyon at bonding ng pamilya ngayong summer holiday season.

“1 week bakasyon mga kamag-anak.”

“Mga 1 week, okay lang naman dapat magsakripisyo dahil mahal na araw.”

Ilang biyahe ng RORO papunta ng Romblon at Masbate at iba pa ay medyo mahaba na ang pila haggang sa labas kaya ang ilan ay nagtitiis kahit mainit ang sikat ng araw.

Patuloy naman ang mga dumadating na bus sa PPA sakay ang mga pasaherong pauwi sa mga lalawigan.

May mga nakabantay naman sa PPA na mga miyembro ng Quezon Maritime Police Station, Lucena City Police Station, Port Police at Coastguard upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero.

Sa mga susunod na araw ay inaasahan naman ang pagdagsa ng mas maraming pasahero dahil sa kanilang huling araw ng trabaho bago ang long weekend.

Pin It on Pinterest