Nagbebenta ng ahas, arestado sa Lucena City
Arestado sa buy-bust operation ng tauhan ng Quezon Maritime PNP ang isang lalaki na ilegal na nagbebenta umano ng ahas.
Ayon sa hepe ng Quezon Maritime Police na si Police Major Francisco Gunio, nagbunga ang isinagawang buy-bust operation laban sa illegal Trading of Wildlife matapos silang makipagnegosasyon online sa isang suspect kaugnay sa ilegal na bentahan ng ahas, nang magkasundo sa presyong 2, 600 pesos.
Pasado alas-singko ng hapon, September 27, nagtagpo ang suspek at tauhan ng nasabing ahensya sa isang lugar sa Barangay Cotta sa Lucena City.
Dito na inaresto ang 19-anyos na lalaki na kinilalang si Dwight Villanueva isang construction worker, residente ng Purok Pinag-isa Barangay Cotta.
Nakuha sa suspek ang isang maliit na corn snake na kaagad na itinurn-over sa DENR para sa tamang disposisyon.
Sinampahan na si Villanueva ng kasong pag labag sa RA 9417 Illegal Trading of Wildlife.
Katuwiran naman ng suspek na napag-utusan lamang daw siya na magbenta.