News

NAWAWALANG PONDO: Barangay 8 ng Lungsod ng Lucena nawawala ang pondo, natuklasang may binago sa mga dokumento

Dahil sa hindi magkatugma at may mga alteration o pagbabago sa sinumiteng koleksyon ng mga cedula ng Barangay 8 sa Lungsod ng Lucena ay natuklasan ni Barangay Kapitan Mandy Suarez na hindi lamang koleksyon sa cedula ang nawawala sa kanilang barangay. Sa panayam ng Bandilyo TV kay Kapitan Suarez ay sinabi nitong tinawagan siya at nagpadala rin ng sulat ang City Treasurer Ms. Ruby Aranilla noong nakaraang Pebrero ukol sa mga cedulang may alterasyon. Hinihingi ng City Official ang paliwanag sa barangay treasurer kung bakit mayroong mga pagbabago. Nang humarap anya sila ng Barangay Treasurer kay Aranilla ay inamin nito ang maling gawain.

Nang magkaroon ng Barangay Assembly ay nagtatanong anya ang mga kabarangay tungkol sa usapin. Nagawa naman ng kapitan na hiramin ang isang cedula ng kabarangay na may negosyo dito at ipinakita sa mga residente na bukod sa binago ang pangalan sa cedula ay binago rin ang presyo ng dapat bayaran dito. Mula anya sa limang libong piso ay ginawang limang daang piso na lamang. Ilang panahon lamang ang nakaraan ay muli siyang kinausap ng City Official at sinabi sa kapitan na kailangan nitong makipag usap sa City Auditor dahil sa usapin pa rin ng pondo ng kanilang barangay. Dito na anya natuklasan ni Suarez na bukod sa problema sa cedula ay may mga tseke pa raw na galing sa Brgy. 8 na nailabas at pineke ang pirma ng kapitan.

Pin It on Pinterest