News

P500 para makapaghanda ng noche buena, hindi raw kasya sabi ng ilang mamimili

Sabi ng Department of Trade and Industry (DTI), kasya raw ang P500 para sa isang pamilya na may apat hanggang limang miyembro para sa noche buena ngayong pasko.

Pero sabi ng ilang mamimili, sa mahal ng mga bilihin ngayon, saan makakarating ang P500?

Sa taas raw ng presyo ngayon ng mga sangkap sa pagluluto baka raw sa spaghetti na lang ang kayang maluto ng P500 ngayong pasko, sabi ng mamimiling si Sylvia.

“Hindi kasya, giniling, hotdog, spaghetti lang yoon, hindi na sa iba,” sabi ni Aling Sylvia.

Sabi pa ng ilan, eh paano daw magkakasya ang P500, eh sa sibuyas pa lang sobrang taas na ng presyo na hindi na bababa ngayon sa P300 ang kada kilo.

“Sibuyas pa lang magkano na tapos ay ‘yung mga bibilhin mo pa sa 500 pesos parang rekado pa lang”.

Ayon sa DTI, sa halagang P500 ay makapaghahanda na ng spaghetti bundle (P112), salad bundle (P116.50), Pinoy pandesal (23.50), keso (P41.75), ground pork (P31.25) at hamon (P163) na sumatotal, P488.

Hindi rito sang-ayon ang maraming mamimili. Katunayan sabi ng consumer na si Eden sa kanyang pamimili kanina para sa lulutuing shanghai, kulang-kulang isang libong piso na ang kanyang napamili.

“Tulad nga ngayon ‘yung aking P1,000 ito pa lang oh, kaunti pa lng oh”.

Samantala, ikinalungkot ng non-profit institution na Ibon Foundation ang inihayag ng Department of Trade and Industry na sapat ang P500 para makapaghanda ng noche Buena. Hindi raw ito makatotohanan dahil paiba-iba ang presyo ng mga bilihin lalo na sa mga lalawigan.

Pin It on Pinterest