Paglalagay ng solar lights sa Lucena, nakatulong nang manalasa ang bagyong Paeng
Higit 4 milyong kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) ang nawalan ng kuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Paeng.
Kaya malaking tulong umano ang naging proyekto ni Konsehal Wilbert McKinly Noche na “Iglap Liwanag” kung saan sa ilalim ng programa, naglalagay ng mga solar lights sa nasasakupan ng lungsod ng Lucena.
“Sa totoo lang po makatapos ang bagyong Paeng ay marami po sa atin ang nagbigay ng feedback na ‘yung nawalan ng kuryente ay ‘yung solar lights lang muna ang nakakapailaw sa madidilim na lugar,” saad ni Noche.
Sinabi ito ni Noche nang makapanayam ng programang ‘Tambayan’ ng Bandilyo. ph nitong Miyerkules kaugnay sa ulat ng kanyang year-end accomplishments bilang konsehal.
Ayon pa dito, tuloy-tuloy daw ang proyektong ito dahil kita ang magandang epekto para sa lungsod.
“Dahil hinawakan natin ang Komitiba ng Engineering, maglalagay din galing sa pondo ng LGU, magpapa-solar lights din tayo din tayo sa iba’t ibang barangay. Nakita naman natin na napaka-efficient nito at malaki ang naitutulong sa ating mga kababayan lalo na sa gabi,” sabi ni Noche.
Ibinahagi din ni Noche na bilang chairman ng Committee on Environmental Protection & Management, bibigyang-pansin ang problema sa katubigan at pagpapaunlad ng sanitary landfill. Bilang chairman naman ng Komitiba ng Urban Poor, itutuloy ang paggawad ng land title sa mga nangangailangan.