Brgy. Market View, muling hinirang na kampeon sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards 2021 sa Region IV-A
Hinirang na kampeon ang Barangay Market View sa Lungsod ng Lucena sa Lupon Tagapamayapa Incentive Award 2021 sa buong lungsod at buong Region IV-A CALABARZON sa katergoryang Highly Urbanized City.
Nitong Biyernes ng umaga, November 18, 2022 ay pormal nang ginawaran ng DILG-IVA sa pangunguna ni Regional Director Ariel O. Iglesia ang nasabing barangay bilang Regional Winner. Tinanggap ito nina Kapitan Edwin Napule, Barangay Secretary Mark Sherwin Reyes at Treasurer Lady Lee Lagrana ang naturang parangal.
Kinilala at iginawad rin ng Lucena LGU ang parangal sa Lupong Tagapamayapa ng Barangay bilang Regional Grand Champion sa LTIA.
Naganap ang Special Awarding Ceremony sa pamumuno ni City Administator Anacleto Alcala Jr. bilang kinatawan ng Punong Lungsod Mayor Mark Alcala, DILG-IVA Division Chief Don Ayer Abrazaldo, DILG City Director Engr. Danilo Nobleza at Lupong Tagapamayapa Incentive Awards Focal Person Sheena Alegre.
Kinilala din ang Barangay Mayao Castillo sa pamumuno ni Kap. Jun Garcia bilang 1st Runner Up at Barangay 6 sa pamumuno ni Kap. Manuel Basbacio bilang 2nd Runner Up.
“Nong pong nakaraang labing walo ng buwang ito tayo po ay ginawaran ng Regional Director po ng DILG Ariel O. Iglesia ng karangalan kung saan tayo po ang nanguna ng Region IV-A sa katergorya pong Highly Urbanized City at noong nakaraang Sabado po nagpapasalamat po tayo sa butihin nating Mayor dahil tayo po ay binigyan ng Special na pagkilala sa larangan po ng pagpapatupad ng katarungang pambarangay,” sabi ni Kapitan Napule.
Ayon kay Napule, nakamit daw nila ito dahil sa mahusay na pagpapatakbo ng kanilang Katarungang Pambarangay katulad na lamang ng tamang pagbabalangkas ng mga hakbang at pamamaraan sa paglutas ng mga reklamo, kasanayan o kakayahan sa mga operasyon, pagkamalikhain at pagiging maparaan ng Lupong Tagapamayapa at iba pa.
Kaugnay nito buong kagalakang ipinagmamalaki ng Pamahalaang Pambarangay sa pangunguna ni Napule ang kanilang Lupong Tagapamayapa at ang patas at walang kinikilingang Katarungang Pambarangay dahil sa muling pagsungkit ng ganitong uri ng karangalan.
Magugunitang simula taong 2013 hanggang 2020 ay sunod-sunod ang naging panalo ng barangay sa buong lungsod at nito ngang taong 2021 ay hinirang ang Barangay Market View bilang Regional Winner Lupon Tagapamayapa Highly Urbanized Category sa ilalim ng pamumuno ni Napule.
“Simula po 2013 nagsikap po tayo at magpahanggang ngayon ay Regional Winner consistent po tayo hindi po tayo nawawala tayo po ang nangunguna sa buong CALABARZON,” saad ni Napule.
Matapos na masungkit ng Brgy. Market View ang Regional Grand Champion sa LTIA sila raw ay pumasok sa Top 3 National Awardee ng LTIA na igagawad ng DILG na kung saan ito ay malalaman kung sino ang magkakamit ng National Grand Champion sa nasabing pagkilala sa darating na November 28 at gaganapin sa Manila Hotel.
Kabilang sa Top 3 ang Angeles City, IloIlo City at Barangay Market View sa Lucena City.
Umaasa ang Pamahalaang Barangay na makakamit nila ang pagiging kampeon kahit sa nasyunal level pero gagawin nila ang lahat sa pagpapatupad ng Katarungan Pambarangay.
“’Yon po ang pangarap natin lahat naman po ito ay pinagsumikapan natin at ng inyong lingkod kasama po ang technical working group sa pangunguna po ng ating Secretariat G. Sherwin Reyes at ng lahat po ng kasama ng Lupong Tagapamayapa ng Brgy. Market View,” dagdag ni Napule.
Samantala, inabutan ng Bandilyo News Team sa Katarungang Pambarangay Hall ang ilang opisyal ng barangay mula sa ibang lugar upang magpa-schedule para sa kanilang lakbay-aral na gagawin sa barangay.
Ito’y para makakuha sila ng mga tamang pagbabalangkas ng mga hakbang at pamamaraan sa paglutas ng mga reklamo sa kanilang komunidad.