Peace and Order Committee Chairperson ng Brgy. Dalahican, kinilala bilang Best Performing BPOC
Kinilala ng City Anti-Drug Abuse Office bilang Best Perfoming Barangay Chairperson on Peace and Order (BPOC) 2021 sa buong Lungsod ng Lucena si Kagawad Luisito San Pascual, ang Committee Chairperson ng Peace and Order ng Barangay Dalahican, Lucena City, sa maayos na pagpapatupad ng programa ng lokal na pamahalaan kontra ilegal na droga at maigting na paggampan ng mga alituntunin sa usapin ng katahimikan sa kanilang komunidad.
Iginawad ang pagkilala sa regular na flag-raising ceremony sa Lucena City Government Compex nitong Lunes.
Matapos matanggap ang plaque ng pagkilala, ayon kay Kagawad San Pascual magsisilbi raw itong motibasyon sa kanila sa Sanggunuinang Barangay lalo na sa mga kasamahan sa BPOC. Bagama’t malaking hamon ang bawat gampanin sa barangay pagdating sa peace and order campaign, buong puso at sama-sama raw nila itong tatrabahuhin para sa kapakanan ng nasa komunidad.
“Napakalaking hamon po ito, hindi po pwede tayo magpatumpik-tumpik, kung baga ang Dalahican ay naging drug-cleared. Dapat po pag-ibayuhin pa ang pagbabantay. Ako po bilang nahirang bilang best performing, hindi po tayo titigil, diresto po tayo sa pagagawa ng maayos na pamamalakad, diretso sa pagroronda,” sabi ni Kagawad Chito San Pascual.
Ilan daw sa posibleng nakita kung bakit nahirang ang nasabing opisyal sa naturang pagkilala ay mga programa nila sa barangay sa patuloy na pag-agapay sa kanilang mga Recovering Person Who Used Drugs gaya ng cash for program kung saan maglilinis sa community ang mga dating naligaw ng landas at bibigyan ng honoraria mula sa pondo ng barangay katumbas ng kanilang trabaho. Ganun din ang mahigpit na paglaban sa kriminalidad na wala raw na sinisino-ang may paglabag sa mga ordinsa ay pinapatawan ng kaparusahan.
“Gabi-gabi po tayo po ay patuloy sa pagroronda inaalam po natin ang sitwasyon sa bawat purok sa Barangay Dalahican. Diretso po sa cash for work program,” dagdag ng kagawad.
Ang parangal na Best Perfoming Barangay Chairperson on Peace and Order (BPOC) 2021 ng CADAO ay sumailalim sa validation ng Lucena PNP, PDEA, DILG at City Anti-Drug Abuse Office.
Si San Pascual ay una nang kinilala bilang 1st place noong 2020 sa naturang pagkilala. Kung hindi rin daw sa sama-samang pagkilos ng buong sanggunian at ng mga barangay tanod hindi siya mahihirang bilang Best Perfoming (BPOC).