Mayao Castillo, nahirang bilang Best Performing BADAC at Best Performing Secretary 2021
Tumanggap ang Pamahalaang Pambarangay ng Barangay Mayao Castillo ng plake ng pagkilala bilang Best Performing Barangay-Anti Drug Abuse Council 2021 sa buong Lungsod ng Lucena mula sa City Anti-Drug Abuse Office.
Personal na tinanggap ni Kapitan Jun Garcia nitong Lunes ng umaga ang naturang pagkilala sa isinagawang regular na flag raising ceremony.
Ayon kay Garcia, isa sa mga nakikita niyang dahilan kung bakit nahirang sila bilang best performing ay ang patuloy na pagmomonitor sa mga Recovering Person Who Used Drugs o RPWUDs upang matiyak ang mga ito na tuluyang magbago mula sa dating iligal na gawain.
“So, kami naman ‘yung mga surrenderer ng Mayao Castillo na 80 na surrenderer, ‘yun naman ay hindi kami nagsasagawa i-monitor ‘yung kanilang buhay kung patuloy pa silang gumagamit sila ba’y may trabaho na,” pahayag ni Garcia.
Bukod sa patuloy nilang pagmomonitor sa mga RPWUDs sa lugar, inaalam rin nila ang estado ng buhay para sa tuloy-tuloy na pagbabago ng mga ito.
“Kaya tayo hindi tayo nagsasawa kahit umalis ka ng Mayao Castillo monitoring pa rin namin kung saan ka lumipat para mayroon kaming maireport na andon na ‘yon ngayon,” saad ni Garcia.
Samantala, noong araw ding iyon ay tumanggap rin ng plake ng pagkikilala ang Secretary ng Barangay na si Vheron Lusterio bilang Best Performing Barangay Secretary 2021 mula pa rin sa naturang ahensya ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Lusterio, sobrang saya raw niya matapos na muling makatanggap ng nasabing pagkilala.
Nakamit raw niya ito dahil sa pagiging hindi mahiyain pagdating sa mga hindi niya nalalaman tungkol sa trabaho.
“Hindi po ako nahihiyang magtanong sa mga head ng opisina, kay Ma’am Francia, kay Dir. Danny Nobleza, sa PNP kay Ma’am Ana or kahit po sino basta’t alam kong matutulungan ako nahihiyang magtanong sa kanila at magpaturo,” sabi ni Lusterio.
Dagdag pa niya ang nakamit niyang pagkilala ay hindi raw ipagmayabang bagkus ay maging inspirasyon ng kapwa kalihim sa lungsod.
“’Yung pagkapanalo ko po bilang best performing is para hindi ipagmalaki o ipagmayabang, gusto ko lang po maging inspirasyon ng kapwa ko Secretary kung nagawa ko po at ang mga hamon, sigurado po ako na magagawa at kaya rin po nilang lahat,” ayon pa kay Lusterio.