Quezon sa Larangan ng Basketball
Hindi na lang sa Niyogyugan maaalala ang Quezon.
Patuloy na inuukit ang lalawigan ng Quezon sa larangan ng basketball. Matapos masungkit ang kampeonato sa Pilipinas Super League nitong Abril 2024, nakamtan naman ng probinsya ang kauna-unahang division champions title sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) nitong Nobyembre 14.
Patuloy kayang maimamapa ang Quezon sa basketball at magkampeon sa dalawang magkaibang liga sa isang taon?
Mula sa 5th seed season finish at division quarterfinals exit noong nakaraang taon, agad na umangat ang Quezon Huskers sa ikalawang taong prangkisa nito sa MPBL nang magtala ng 16-0 sa pag-uumpisa ng 6th season at magtapos ng numero uno sa South Division na may record na 21-7.
Patuloy pang namayagpag ang Huskers sa playoffs at winalis ang Negros Muscovados at Parañaque Patriots sa quarterfinals at semifinals bago maisahan ng Batangas City Tanduay Rum Masters sa homecourt sa Game 1 ng South Finals.
Agad namang bumawi ang Huskers sa game 2 at pinatahimik ang mga Batangueño na nagsisigawan ng ‘uwian’ na bago tuluyang maibuslo ni Jason Opiso ang game winning putback sa huling mga segundo ang laro.
Tuluyan nang tinuldukan ng Huskers ang pangarap ng Tanduay Rum Masters na makabyahe patungong Dubai para sa gaganaping national finals matapos ang mainit at dikdikang laban sa do-or-die game 3 sa iskor na 65-60.
Makakalaban koponan sa Disymembre sa Dubai ang powerhouse team at defending champion na Pampanga Giant Lanterns na pinangungunahan nina ex-Gilas Pilipinas player, MPBL finals and season MVP Justine Baltazar at homegrown star Archie Conception.
Makakabawi na kaya ang Huskers kina Baltazar at Conception na may kombinasyon na 41 puntos at 20 rebounds noong una nilang paghaharap kung saan natalo ang Quezon, 75-69? O makukumpleto ng Pampanga ang complete sweep hanggang national finals?