News

Diokno, nais mabigyan ng sapat na kakayahan ang mga magniniyog

 

“Dapat isabatas na ‘yan. Ilang dekada na ‘yan, hindi makatarungan ang ginagawa ng pamahalaan sa mga coconut farmers,” ito ang naging sagot ni Senatorial Candidate Chel Diokno sa ilang magsasaka sa Lalawigan ng Quezon hinggil sa coco levy fund.

Sa naging pagbisita ng kilalang human rights lawyer sa Lungsod ng Lucena, isinaad niya na hindi dapat ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na bubuo sa isang daang bilyong pisong trust fund para sa benepisyo ng mga coconut farmers.

“Ang mangyayari po kasi dyan, babalik ‘yan sa kongreso at dapat makakuha ng 2/3 na boto para maoveride ‘yong veto. Ako mismo kung papalarin makaaasa kayo na itutulak ko ‘yan sa senado,” pahayag pa ni Diokno.

Nais din ng kumakandidatong senador na mabigyan ng sapat na kakayahan ang mga magniniyog upang hindi matali sa pagkokopra at mapakinabangan pa ang maraming benpisyo ng niyog.

Dagdag pa niya, pagtutuunan nila ng pansin ng kasamahan niya sa Otso Diretso at dating kinatawan ng ikaapat na distrito ng Quezon na si Erin Tañada ang mga programa para sa mga magsasaka.

Pin It on Pinterest