News

“Simbolismo lamang ito ng kahandaan! Hindi kalahatan ng kakayahan!” -Coun. Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr. sa ‘unang 100 araw’

Sa mga nahalal, mula sa Presidente hanggang Mayor at iba pang posisyon, ang unang 100 araw sa pwesto ay nagiging simbolismo para ipamalas ang kahandaan sa tungkuling iniatang sa kanila.

Ayon ito kay konsehal Manong Nick Pedro na binanggit sa kanyang pribilehiyong pananalita ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena nitong Lunes.

Dagdag pa ni Manong Nick, ang ‘unang 100 araw’ ay hindi dapat maging batayan sa kabuuang kakayahan ng nanunungkulan dahil maaaring inisyal lamang ito na pagkilos para sa ikinasang mga plano sa nasasakupan.

Inihalimbawa ng konsehal ang panunungkulan ni first-time Mayor Mark Alcala kung saan agad itong nag-atas sa kanyang pag-upo ng paghihigpit sa pagsusuot ng uniporme ng kawani ng City Hall, pagpapahalaga sa nakangiti at tapat na pakikipag-usap sa publiko, mabilis na aksyon sa pangangailangan ng serbisyo-publiko at iba pa, na minamaliit ng ilan dahil raw sa pangkaraniwan at walang epekto sa buhay ng karaniwang tao.

“Sa isang matinong pag-iisip… ano ba ang katumbas ng isang disiplinadong tauhan ng pamahalaan? Presentableng public servant di ba? Mabuting kausap na magpaparamdam sa publiko ng akomodasyon, magtuturo ng kailangang kabatiran at magbibigay ng halimbawa ng mabilis na serbisyo-publiko para sa lahat.”

Ayon kay Manong Nick, ito ang pamahalaan na karapat-dapat sa tao dahil ito ang diwa ng public service na binigyang-diin ng alkalde sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan.

Maituturing mang simple ngunit ramdam ng karaniwang tao.

Pin It on Pinterest