70 anyos na lalaki tinulungang makauwi ng lokal na pamahalaan umuwi sa Camarines Sur
Idinulog sa tanggapan ng Lucena City Social Welfare and Development kahapon, October 10, 2022 ang isang 70-taong gulang na lalaki na nagngangalang Alberto Aguila, na natagpuan sa Barangay Dalahican, at humihingi ng tulong para makauwi ng kanyang pamilya sa Nabua, Camarines Sur.
Matapos ang beripikasyon at balidasyon ng tanggapan at sa naging koordinasyon na rin sa MSWDO ng Nabua, Camarines Sur, sa atas ni Acting City Social Welfare and Development Officer Mayshell D. Rañada, RSW, inilapit ang nasabing matanda sa programa ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng assistance for individuals in crisis situation.
Sa agarang pag-apruba ng Punong Lungsod Kgg. Mark Don Victor B. Alcala ay nabigyan ng tulong pinansyal ang nasabing lalaki para sa kaniyang pamasahe at iba pang gastusin gaya ng pagkain.
Minarapat din ng tanggapan na paliguan at bihisan ang matanda bago ito pasakayin patungo sa kaniyang bayan.
Sa patnubay naman ng social worker na si Michael Fernandez ay matagumpay na naisakay ang matanda sa bus mula sa Lucena City Grand Terminal.