Tayabazen digital platform, inilunsad na sa Lungsod ng Tayabas
Inilunsad na nitong Huwebes ng Tayabas City local government ang Tayabazen, isang digital platform para sa mabilis na paghahatid ng social services sa kanilang mga residente.
Sabi ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, layon ng programa na higit na mapaserbisyuhan ang mamamayan, sa pamamagitan ng mga programa, at proyektong ibinababa sa bawat sityo, purok, at sa animnaput – anim na barangay sa lungsod ng Tayabas.
Ang Tayabazen Digital Platform, ay paraang magbibigay o makapag-isyu ang city government ng Tayabazen Smart Card para sa lahat ng residente ng siyudad ng Tayabas.
Ayon sa Punong Lungsod ang buong pangalan ay gagamitin sa ibibigay na Smart Card, ito ay magsisilbing paunang Account sa Mobile App at System, dito rin nakalagay mismo ang pangalan, Mobile Number, at naka – indicate din mismo kung saang barangay sila nakatira. Bukod dito ay mas mapapabilis ang pag aasikaso ng mga residente pagdating sa kanilang mga pangangailangan.
Dagdag pa ng Punong Lungsod, ang mga impormasyong ito ay gagamitin sa paggawa ng kanilang paunang account ng Tayabazen Mobile App, at lalabas sa backend system, na siyang magpoproseso ng mga transaksyon na ipagkakaloob ng LGU – Tayabas City.