4,700 bomba pinasabog sa Tarlac
Aabot sa 4,700 na iba’t ibang klase ng bomba, kabilang na ang mga aerial bomb, vintage, mortar, at grenade, ang sabay-sabay na pinasabog sa Crow Valley Gunnery Range sa Capas, Tarlac nitong Huwebes.
Pinangunahan ni PMAJ Dante S. Florento, Officer-in-charge ng Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ng Quezon ang pagpapasabog sa mga nakumpiska at narekober na mga bomba at paputok na naglalayong mai-dispose ang mga ito dahil na rin sa kalumaan at expired na bomba na maaaring magdulot ng pinsala kapag mas pinatagal pa o naka-display.
“Kami po mula sa EOD and Canine Unit 4A kasama ang Regional and Canine Unit 1 ay magkasabay na pinasabog ang lahat ng aming narekober na kung tawagin ay vintage bomb at iba pang explosive ordnance na hazardous o delikado sa ating community.” Ang pahayag ni Florento.
Naganap ang bomb disposal bandang alas-6:00 nitong Huwebes ng umaga kung saan pinalayo ang lahat nang may 300-meter radius para walang maapektuhan sa magaganap na pagsabog.
Saad ni Florento sa publiko, kapag may nakitang bomba, lalo na ang mga vintage bomb, ay ipagbigay-alam sa EOD-Quezon upang mailagay agad sa ligtas na lalagyan.
Babala pa niya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdi-display at pagbebenta ng mga bomba – may laman man o wala na kadalasang makikita sa mga junk shop – dahil delikado pa rin aniya ang mga ito.