5 katao, huli sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Lucena City
Arestado ang limang katao matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Quezon Maritime Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PCPT. Benito Siddayao Jr. na nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Tayabas Bay sa Barangay Mayao Castillo sa Lungsod ng Lucena.
Ayon kay PLT Arnel J. Abrigo, ang Chief Admin ng Quezon Marpstah, nahuli nila sa akto ang naturang mga kalalakihan na nagsasagawa ng iligal na pangingisda habang sila’y nagsasagawa anti-illegal fishing operation sa lugar.
“Nagconduct kami ng regular na seabourne patrol operations na kung saan ay nakahuli kami ng dalawang basnig. Ito ay tinatawag na basnig kasi ito ay ilawan sa Barangay Mayao Castillo, Lungsod ng Lucena.”
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 ang limang katao dahil sa ilegal na panghuhuli ng isda sa karagatan ng nasabing barangay.
Wala raw kasing kaukulang dokumento na maipakita ang mga suspek sa kanilang pangingisda dahilan para sila’y arestuhin.
“Sinampahan na namin ng violation ng 10654 sec 86 para (a) dahil sa wala silang kaukulang dokumento na ipinakita ganon din yung isa , yun ang nangyari inaresto namin sila parehas kasi upon verification wala silang dokumento na maipakita so they are not authorized to manghuli ng mga pangisdaan dito sa nasabing Tayabas Bay.”
Kinumpiska ng mga otoridad ang ibat-ibang mga kagamitan na ginamit ng mga ito sa iligal na pangingisda kabilang na ang motorized fishing banca at iba pa maging ang mga nahuli nitong mga isda.
Nagpapasalamat ang Quezon Maritime PNP sa mga mamamayan ng Quezon na nagpapatunay lamang sa malakas na ugnayan at pulisya laban sa iligal na aktibidad.

