Ikalawang Floating Restaurant River Cruise sa Lucena City bukas na sa mga turista
Dalawa na ang floating restaurant sa Lucena City na maaring ma-enjoy ng mga turista.
Ang bagong Floating Restaurant River Cruise na ito ay moderno na kayang magsakay ng hanggang isang daang tao.
Sinabi ni Arween Flores, ang City Tourism Officer ng Lucena City, hindi lang sa mini twin river sa Ransohan kaya nitong maglakbay, maaari na rin nitong bagtasin ang karagatan na nasasakop ng Lucena City habang ini-enjoy ng mga turista ang mga pagkaing ipinagmamalaki ng lungsod.
“Dadaan pa rin sila roon pero may part na pupunta ito sa karagatan so ibig sabihin mas malawak ang kanyang itata-traverse na ilog at karagatan,” saad ni Flores.
Hindi lang tanawin at mga pagkain ang ma-e-enjoy habang tumatakbo ang floating restaurant, isang acoustic music rin ang mapapakinggan at may stop over para sa mga cultural presentation at iba pa.
Umaga ng May 16, 2023, opisyal na itong pinasinayaan at bukas na para sa mga turista.
Dumalo sa pasinaya si Lucena City Mayor Mark Alcala, Vice Mayor Roderick Alcala, mga city Councilor ng siyudad at iba pang mga bisita at ang may-ari nito.
Matapos ang ribbon cutting, kasama sila para sa unang biyahe ng bagong Boom Lucena Floating Restaurant River Cruise.
Sinabi ng City Tourism Officer ng siyudad, bahagi raw ito ng lalo pang pagpapalakas ng turismo ng Lucena City.
Ito ay pagmamay-ari ng mag-asawang Jun at Angelina Pasumbal na pinangalanang Casa Angelina.
Noong February 14, 2022 nang unang maglunsad ang lokal na pamahalaan ng Floating Resto na hango sa Floating Restaurant ng Bohol ang konsepto.

