News

‘Masaganang Ani’ Exhibit binuksan sa Tayabas kasabay ng pagdiriwang ng Mayohan Festival

Tinatayang 150 artifacts ang naka-display ngayon sa isang exhibit sa Casa Comunidad de Tayabas sa Lalawigan ng Quezon.

Kasabay ng pagdiriwang ng Mayohan Festival at National Heritage Month, pormal na binuksan sa publiko nitong Lunes ang Masaganang Ani Travelling Museum Exhibit.

Ito ay bilang pasasalamat sa masaganang ani sa lungsod sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t ibang artifacts.

Layon din nito na itampok ang cultural heritage ng Tayabas habang hinihikayat ang lahat na pangalagaan at paunlarin ang natural and cultural heritage.

Ilan sa makikita sa exhibit ay ang lumang gown na isinusuot ng mga kilalang Tayabasin, mga antique at artworks ng mga lokal artist ng Tayabas, tradisyunal na damit na gawa sa abaka at mga stone fragments ng mga lumang tulay sa lungsod.

Samantala bilang bahagi pa rin ng Mayohan Festival, isinagawa din nitong Lunes ang Hagisan ng Suman.

Ito ay prusisyon ng imahe ni San Isidro Labrador kung saan naghahagis ng suman, prutas at iba pang lokal na ani ang mga residente nito.

Ito ay sumisimbolo daw sa pagbabahagi ng yaman at kaunlaran sa mga magsasaka.

Tinatayang umabot sa mahigit tatlong libong katao ang nakiisa dito ngayong taon at nasa mahigit 12,000 piraso ng suman ang pinaulan ng Lokal na Pamahalaan ng Tayabas.

Pin It on Pinterest