Akusasyon ng katiwalian sa obispo at pari ng Diocese ng Lucena, wala raw basehan
Wala umanong basehan ang akusasyon ng korapsyon laban kay Bishop Mel Rey Uy at sa mga pari ng Diocese ng Lucena.
Ito ang iginiit ni Diocesan Chancellor Rev. Fr. Orson J. Ornedo matapos magkasa ng panalangin at prusisyon ang ilang indibidwal sa Embassy of the Holy See-Apostolic Nunciature sa Taft Avenue, Manila hinggil sa isyu ng iskandalo at katiwalian sa Diocese ng Lucena.
Nanawagan ang naturang mga indibidwal na masilip ang umano’y marangyang pamumuhay ng mga pari at sinasabi pa na ang ilan ay mayroong sariling negosyo at samu’t saring bisyo.
Ayon kay Fr. Ornedo, paninira umano at hindi pagdarasal ang layunin ng mga lumahok sa sinasabing ‘prayer rally’ na hindi naman umano kasapi ng anumang parokya ng diyosesis.
Hinikayat din niya ang mga mananampalataya na dumirekta sa kanilang tanggapan kung may hinaing o reklamo upang agarang matugunan at maisaayos.

