NewsSports

Huskers, tinambakan ang Rum Masters sa kanilang opening game

Hindi umubra ang homecourt advantage at muling nanaig ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) South Division Champions Quezon Huskers kontra sa Batangas City Tanduay Rum Masters sa kanilang opening game, 70-46.

Nagpasiklab agad sa kanyang unang game bilang Huskers si dating Meralco Bolts guard Diego Dario na umiskor ng 13 puntos sa15 minutong paglalaro habang umambag naman tig-siyam na puntos sina Judel Ric Fuentes at Ximone Sandagon.

Ramdam ng dalawang koponan ang init ng nakaraang MPBL conference finals at nagpalitan sila ng puntos sa pagsisimula ng 1st half na nagtapos sa iskor na 28-24.

Bumitaw ng magkakasunod na puntos sa kanyang driving lay-up at jumpshot si Huskers’ star LJay Gonzales sa pagsisimula ng 3rd quarter dahilan para umalagwa ang defending conference champs, 38-26 sa 5:38 mark.

Nagpakawala pa si Fuentes ng back-to-back threes sa huling minuto ng naturang quarter para selyuhan ang 18-kalamangan.

Magkakasunod na turn-over pa ang naitala ng Rum Masters sa 4th quarter dahilan para hindi na mapapababa ang kalamangan ng Huskers. 13 puntos lamang ang nagawa ng home team sa kabuuan ng huling quarter laban sa 22 puntos ng Huskers.

Muling sasabak ang Huskers sa Lunes, Marso 17 laban sa Cebu bago bumalik sa Quezon Convention Center sa Marso 22 kontra sa rival team na Biňan.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest