News

Ahas nahuli sa loob ng isang bahay sa Tayabas City

Nasagip ng Tayabas City Environment National Resources Office ang isang ahas na natagpuan sa isang bahay sa Barangay San Diego Zone-1.

Alas 7:00 ng gabi noong June 13, 2023 nang makuha ng mga forest ranger ng ENRO Tayabas sa loob ng bahay ang isang Philippine Brown Rat Snake.

Ang ahas ay nasa higit-kumulang isang dipa ang haba. Aktibo noong gabing yoon ang naturang ahas na kaagad na inilagay sa isang sako.

Ayon sa ahensya, matapos itong makuha sa bahay kaagad din itong pinakawalan at maayos na naibalik sa kanyang natural na tahanan.

Batay sa City Environment National Resources Office, ang Philippine Brown Rat Snake o Coelognathus erythrurus manillensis ay isang uri ng ahas na hindi makamandag at madalas napapagkamalang cobra.

Ang kinakain nito ay daga at iba pang maliliit na hayop.

Ito ay endemic sa isla ng Luzon at kadalasang matatagpuan sa mga gilid ng kagubatan, bukid o bukirin. Ang mga ahas katulad ng Philippine Brown Rat Snake ay may mahalagang papel sa pagbalanse ng ekolohiya.

Kinokontrol nito ang pagdami ng peste kagaya ng mga daga.

Payo nila sa publiko, agad na itawag sa awtoridad kung may matagpuang ahas sa mga tahanan.

Patuloy pa rin pinaalalahanan ang publiko na ang pangangaso, pangongolekta, at pagmamay-ari ng kahit anong uri ng buhay-ilang ay may parusa sa ilalim ng Repubic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001. Ipagbigay-alam sa Tayabas City ENRO ang anumang klase ng pang-aabuso o iligal na gawain na makakasira ng ating kapaligiran at likas na yaman.

Pin It on Pinterest