News

Bamboo Planting Activity sa pagdiriwang ng Philippine Bamboo Month, isinagawa sa Mulanay

Nagtanim ng mga kawayan sa bayan ng Mulanay, Quezon bilang pakikibahagi ng lokal na pamahalaan sa paggunita sa Bamboo Month.

Ang buwan ng Setyembre ang tinaguriang Philippine Bamboo Month. Noong nakaraang araw, September 19, 2023, kasama ang ibat-ibang ahensya ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal ay isinagawa ang “Bamboo Planting” sa gilid ng Mulanay River sa Brgy. Bagupaye.

Ito ay bahagi umano ng adhikain sa munisipalidad na isakatuparan ang mithiing na maging Bamboo Capital ng Bondoc Peninsula ang Bayan ng Mulanay.

Layunin na maging alternatibong kabuhayan ng mga Mulanayin ang mga produktong mula sa kawayan at makita ng bawat isa ang malaking oportunidad mula sa pagtatanim nito – ang mataas na demand ng kawayan sa bansa at sa buong mundo. Kaakibat din nito ang pagsagip sa kalikasan at climate change mitigation.

Ang pagtatanim ay pinangunahan ni Mulanay Mayor Aris Aguirre.

Samantala, nakiisa rin sa pagdiriwang ng “Bamboo Month” ang mga kasundaluhan ng 85th infantry battalion. Nakilahok sila sa isinagawang Bamboo Planting Activity na may temang “Buong Bansa Magtanim: Kawayan para sa Kalikasan, Kabuhayan, Kaunlaran at Kinabukasan”.

Ang nasabing aktibidad ay nilahukan ng mga kawani ng Community Environment & Natural Resources Office-Catanauan (CENRO Catanauan), DTI-Quezon, Ecosystems Research and Development Bureau – DENR, mga mag-aaral ng Bagupaye National High School. Layunin ng nasabing pagdiriwang na imulat ang kaisipan ng bawat isa hingil sa kahalagahan ng kawayan at mga produkto nito na makakapagbigay ng iba’t-ibang pagkakakitaan.

Pin It on Pinterest