Bio-secured and Climate-controlled Finisher Operation Facilities mula sa DA-4A umabot na sa labing-walo
Aabot na sa labing-walong Bio-secured and Climate-controlled Finisher Operation Facilities ang pormal nang naipagkaloob ng Department of Agriculture CALABARZON Region.
Ang mga pasilidad na ito ay maaari nang magamit ng mga benepesyaryong Samahan ng magbababoy sa rehiyon.
Ito ay sa patuloy na pagpapatupad ng programang Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion (INSPIRE) ng DA.
Layon nito na muling palakasin ang industriya ng pagbababuyan, pataasin ang produksyon, at siguraduhin ang patuloy na suplay ng murang karne ng baboy sa merkado.
Ang naturang pasilidad ay karagdagang suporta sa mga magbababoy, partikular ang mga naapektuhan ng sakit na African Swine Fever.
Kaya umanong maglaman ang naipagawa at naipamahaging pasilidad ng hanggang 240 na ulo ng baboy.
Mayroon itong exhaust fans, cooling system, wheel bath, manual operated curtain wall, open lagoons, biogas, at perimeter fence na pangunahing kailangan sa maayos na operasyon ng pasilidad.
Ang mga benepisyaryo ng INSPIRE ay mga samahan, asosasyon, o kooperatiba na mayroong hindi bababa sa tatlumpung (30) myembro, kinikilala ng DA-4A bilang Civil Society Organization (CSO) at may 2000 sqm. na lupa kung saan maaaring itayo ang pasilidad.
Kaugnay ng nasabing pasilidad ay pagkakalooban din ng tig-112 ulo ng biik at tig-226 na sako ng pakain ang mga benepisyaryong-samahan.