Brgy. Cotta gagawing pilot barangay ng Lungsod ng Lucena sa health program
Magiging pilot barangay sa Lungsod ng Lucena ang Barangay Cotta sa programa ng pamahalaang panglungsod para sa kalusugan. Ayon kay Barangay Kapitan Annalou Alcala, magsasagawa ng tatlong araw na Diabetes and Hypertension Program sa kanilang barangay upang malaman ng taong barangay kung ano ang epekto at kung papaano nagkakaroon ng ganitong karamdaman. Magkakaroon din anya ng forum upang makapagtanong ang mga dadalo para lalong maintindihan ng mga ito kung ano ang dapat na gawin kapag nagkaroon ng alta-presyon o diabetes. Sa ilalim ng programa ng pamahalaan ayon kay Kapitan Alcala ay magbibigay ng mga cards sa mga mae-enroll sa programa at kapag mayroon na nito ay makakakuha ang beneficiary ng kaukulang pang-maintenance na gamot para sa kanilang sakit.
Sa eksklusibong panayam ng 99.7FM at Bandilyo TV kay Brgy. Cotta Captain Annalou Alcala ay sinabi nitong sa kanilang barangay ay sinisikap nilang mai-enroll sa programa ang lahat ng nakakaranas ng diabetes at hypertension upang matulungan sila ng pamahalaan. Isa anya sa layunin nito ay upang sa kanilang Barangay Hall na lamang makuha ang mga gamot upang hindi na bumiyahe pa ng malayo ang mga ito. Kasama rin ayon pa sa kapitan ang libreng pagche-check ng BP o Blood Pressure o Blood Sugar Level ng mga beneficiary upang ma-monitor ito at mabigyan agad ng aksyon kung sakaling kakailanganing ma-confine sa ospital ang mga ito.