Cong. Suarez, tatapusin ang termino sa pagiging kinatawan ng 2nd district
Isinaad ni Deputy Speaker at Quezon Province 2nd District Representative David “Jayjay” Suarez na dapat ipakita ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang magagawa sa lalawigan kung nagtutulungan at nagkakaisa.
Ito ay matapos maghain ng kanyang kandidatura bilang congressman sa kanyang ikatlong termino.
“Para naman sa akin anuman ang kulay o anuman ang tinatayuan mo kung iisa naman ang layunin para sa tao, bakit hindi natin subukan,” ayon kay Suarez matapos tanungin kung may posibilidad bang makasama niya sa mga susunod na panahon ang kampo ni Gov. Helen Tan.
“Minsan mahirap lunukin dahil may kanya-kanya tayong pansariling interes at yabang pero huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit tayo nandito ay dahil inihalal tayo ng tao. At kung ang tututukan natin ay ang mga bagay na hindi makakatulong sa kanila, nag-aaksaya lang tayo ng oras at panahon.” dagdag pa niya.
Sa ikapitong araw ng filing ng certificate of candidacy sa lalawigan, wala pang kalaban sa pagka-gobernadora si Tan habang wala ring iba pang tumatakbo bilang kinatawan ng segunda distrito.
Ang anak ni Tan na si Doc Kim ay tatakbo bilang board member sa 2nd district.