DILG Cavite nagbabala sa mga indibidwal na nanunulisit ng pera para sa Marawi City
Nagbabala ang provincial office ng DILG sa Lalawigan ng Cavite ukol sa mga ulat na kanilang natatanggap na may ilang indibidwal sa Cavite at kalapit na lalawigan na nagpapanggap na kawani ng DILG mula sa central office ng mga ito. Sa pahayag ng DILG, lumalapit anya ang mga hindi katiwa-tiwalang indibidwal sa mga negosyante at kilalang personalidad sa iba’t ibang lugar upang magsolicit ng tulong sa pamamagitan ng pagbebenta ng ticket na nagkakahalaga ng anim na libong piso. Ang ginagamit na dahilan ng mga ito ayon pa sa DILG ay ang kaguluhan sa Marawi City at ang makukuhang pera sa ticket ay dadalhin diumano sa doon upang ipangtulong sa mga apektado ng kaguluhan.
Nananawagan ngayon ang DILG Cavite Office na maging mapanuri ang mamamayan dahil wala anilang ipinapalabas na ganitong hakbang ang kanilang opisina. Maaari anyang ipagbigay alam sa pinamalapit na DILG office o istasyon ng pulis ang masasaksihang kaparehong aktibidad.
Sinabi pa rin ng DILG na kung nais magdonate o tumulong sa mga kababayan sa Lungsod ng Marawi ay maaari itong idiretso sa alinmang opisina ng DSWD o mga reputable NGOs na tumutulong sa mga apektado ng kaguluhan sa Marawi City.