Double-double ni Sandagon, bumida sa 3-game win streak ng Huskers
Tatlong sunod na panalo na ang nairerehistro ng Mahalika Pilipinas Basketball League (MPBL) South Division defending champions Quezon Huskers matapos tambakan ang Paraňaque Patriots, 96-68.
Bumida si Huskers bigman Ximone Sandagon na nagtala ng 14 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang koponan sa ika-13 nilang panalo sa 7th season ng liga.
Mabagal ang kanilang naging umpisa nang abantehan ng 6-1 run ng Patriots sa pagtatapos ng first quarter, 19-20.
Simula ng 2nd quarter, naipasok ni Al Francis Tamsi ang dalawang free throws, balik sa kanila ang kalamangan. Sumagot ng isang driving lay-up na may kasamang bonus free throw si Allen Papa, 21-23.
Agad namang bumawi ng three-pointer si Gab Banal para sa Huskers. Dito na nagsimula ang kanilang bahagyang pag-angat, 42-38 sa halftime.
Tuluyan nang sumiklab ang Quezon matapos ang slamdunk ni Sandagon sa 7:06mark, 50-44. Sunod-sunod na puntos pa ang naitala ng bench players hanggang sa matapos ang 3rd quarter at umakyat na sa 13 puntos ang abante ng Huskers.
Hindi na nila binigyan ng pagkakataon ang Patriots na makahabol at pinalobo pa sa 28 puntos ang deperensya ng iskor sa pagtatapos ng laban.
Samantala, muling masusubok ang tibay ng Huksers sa pagdepensa sa kanilang home court sa July 1 kontra sa 4th seed na GenSan Warriors.