News

Financial subsidy, ipinagkakaloob sa mga barangay appointed officials sa Tayabas City

Tumanggap ng financial subsidy ang lahat ng mga barangay appointed officials mula sa Pamahalaang Panlungsod ng Tayabas sa pangunguna ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso.

Ayon sa alkalde, ang naturang programa ay bilang sukli ng lokal na pamahaalan sa mga ito dahil sa patuloy na serbisyo publiko sa kani-kanilang komunidad.

“Ito po kasing tulong natin sa kanila sapagkat kaagapay po ng Lungsod ng Tayabas, kaagapay ng mga namumuno at ng buong pamahalaan po ang paglilingkuran na binibigay rin po nila, so ito ‘yung tulong na ibinibigay naman natin sa kanila sapagkat kasama po namin silang naglilingkod sa barangay. Sila po ‘yung mga frontliners kaya bilang pagbabalik, meron po tayong ibinalik na papasko para sa kanila,” saad ni Mayor Reynoso-Pontioso.

Kabilang daw sa mga tumanggap ng naturang subsidy ay ang mga SK Treasurer, SK Secretary, Barangay Secretary, Barangay Treasurer, Lupon ng Tagapamayapa, Bantay Bayan, Barangay Health Workers, BRK at iba pa.

Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-P1,500.00 na siyang makakatulong sa panahong ngayon lalo na at patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Ngayon po ay financial assistance na P1,500 pero sa buong taon quarterly meron tayong binibigay din sa kanila bale monthly po meron silang P500 na natatanggap sa lokal na pamahalaan,” sabi ni Mayor Reynoso-Pontioso.

Samantala, tumanggap rin sa Tayabas LGU ang mga Tayabasing survivors ng Covid-19 disease at kapamilya ng isang hindi pinalad na makaligtas ng financial assistance sa ginawang pay-out kamakailan.

Pin It on Pinterest