Ginang, Arestado sa Buy Bust Operation sa Lucena City

Arestado ang isang ginang sa isinagawang buy bust operation matapos mahuli sa aktong pagbebenta ng shabu Biyernes ng umaga, June 17 sa Purok Tulungan, Brgy. Ibabang Iyam sa Lungsod ng Lucena.

Kinilala ang suspek na si Lilibeth Ebreo, 37-anyos, walang asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bandilyo.ph, nakatanggap umano ng impormasyon ang PNP Lucena mula sa mga concerned citizen na may nangyayaring iligal na aktibidad sa kanilang lugar.

Agad namang kumilos at nakipag-ugnayan ang PNP Lucena sa PIU/QPDEU, PDEA Quezon, Quezon Maritime Police Station, CIDG Quezon at RIU PIT upang magsagawa ng buy bust operation kung saan isang agent ang nagpanggap na bibili ng naturang shabu na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Nakumpiska mula kay Ebreo ang isang limang daang piso na ginamit bilang boodle money at apat na plastik ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P41,412.00.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kaukulang parusa.

Pin It on Pinterest