News

Pagbilao, may pa-raffle na bigas at pera sa mga magpapabakuna

Nagkasa ang Pagbilao local government ng programang maghihikayat sa mga residente na magpabakuna laban sa COVID-19.

Katuwang ang Team Energy Foundation Inc., inilunsad ng LGU ang Turok Bigas Program na layong mas marami pang mabigyan ng booster na mga Pagbilawin.

Sa loob ng Special Vaccination Days simula Setyembre 26-30, 2022, araw-araw na magkakaroon ng RAFFLE PROMO kung saan isang daang (100) residente na nagpabakuna ang mananalo ng tig-lilimang kilong bigas.

Samantala, matapos ang nasabing linggo ng bakunahan ay isasagawa ang WEEKLY RAFFLE PROMO na kung saan isang daang (100) ding PagbilaoWINS na nagpabakuna ang maaaring manalo ng tiglilimang kilong bigas.

Dagdag rito, maaari pa ring manalo ang mga nagpabakuna simula August 1 – September 30 ng 10, 000 Pesos, 7, 000 Pesos, 5, 000 Pesos at special prizes sa programa namang “Pagbilao, Bakunado Kaya Panalo.”

Ayon kay Mayor Angelica Portes, kasabay ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante mahalaga na pataasin ang bilang ng mga nakatanggap ng bakuna o booster shot kontra COVID-19.

“Nakita ko po ang kahalagahan ng pagpapataas ng coverage ng anti-COVID injection ng bayan ng Pagbilao dahil una tinatanaw ko po na ang mga estudyante ay nasa sa eskwelahan na, pangalawa, paulit-ulit kong sinasabi ‘we cannot afford another surge o pagtaas muli ng kaso ng COVID-19.”

Sa huling tala ng Quezon Integrated Provincial Health Office, nasa 76% sa target population ang nabakunahan kontra COVID-19.

Pin It on Pinterest