Ilang araw bago ang Pasko, presyo ng manok tumaas na sa Lucena City Public Market
Nagsimula nang tumaas ang presyo ng karneng manok sa Lucena City Public Market.
Ayon sa mga maninindahan ng karne sa wet market, noong mga nakaraang linggo pa nang simulang magpatong sila ng presyo. Mula sa P190, pumalo sa P200 at ngayong linggo na ito, ilang araw bago sumapit ang Pasko, umabot na sa P220 ang kada kilo.
“Tumaas ang manok ngayon sa P220, dating 190. Mabilis magtaas ang manok,” sabi ni Mang Onie na isang magkakarne.
Bunsod daw ito ng mataas na demand ngayon ng manok kaya mataas din ang presyo sa mga supplier. Ang mga maninindahan, napipilitan magdagdag presyo.
“P220 ang kilo, mas mataas siya ngayon, may dalawang linggo na”.
“Tumaas ang pununan 195 ang bentahan 220”.
Ayon sa mga maminindahan, ang pagtaas ng presyo ng karne ng manok ay hindi pa raw dito matatapos, posible pa raw sumirit ang presyo nito habang papalit ang Pasko.
Habang dumadami ang demand, tumataas ang presyo dahil sinasabing numinipis ang suplay.
“Opo sir kasi ubusan po ng manok”.
Bagama’t nagsimula nang tumaas ang presyo, ang ilang mamimili kahit mabigat sa kalooban, sabi ni Laisa na bumili ng karneng manok kanina, tila tanggap na nila ang ganitong sitwasyon na karaniwan na raw na nangyayari.
“Parang ganito naman kapag ganitong panahon, tumataas lahat,” saad ni Laisa.
Samantala, nananatili pa namang stable sa ngayon ang presyo ng karneng baboy sa naturang pamilihan.