News

Ilang tsuper nangangambang mawalan ng kabuhayan dahil sa PUV modernization pero ang iba wala raw magagawa

Hindi raw makatwiran para sa Jeepney Driver na si Mario na isang Lucenahin na hanggang June 30 na lamang ang pagbiyahe ng mga tradisyunal na jeepney, na ayon sa LTFRB.

“Hindi ho makatwiran talaga yon, hindi ho maaaring ganon kawawa naman kaming umaasa sa pamamasada”, sabi ni Mario.

Ayon naman sa ilang tsuper, nangangamba silang mawalan ng kabuhayan dahil sa PUV modernization pero wala daw silang magagawa sa ipatutupad ng gobyerno.

“Yon nga eh wala tayong magagawa eh kung yan ang ibinibigay ng gobyerno eh”, ayon kay Bersibal.

“Wala tayong magagawa batas yon eh kung yon ang ano nila, walang problema yon”, pahayag ni Marvin.

Sinabi ni LTFRB Technical Division head Joel Bolano na apat na beses na nilang napagbigyan ang mga operators na magbuo ng kanilang kooperatiba bilang bahagi ng pagsulong ng gobyerno ng modernized jeepneys.

Dagdag pa niya na magiging exempted lamang ang ilang mga traditional jeepney operators na kasalukuyan ng inaayos ang kanilang membership sa mga kooperatiba.

Binigyan ng LTFRB ng hanggang Disyembre ang mga operators ng traditional jeepneys na matapos ang kanilang pakikipag-membership sa mga kooperatiba.

Pagtitiyak din ni Bolano na kanilang tutugunan ang problema sa kakulangan ng masasakyan kapag tuluyan ng matanggal ang mga tradisyunal na mga jeepneys.

Pin It on Pinterest