News

Kauna-unahang Mini Science Centrum sa CALABARZON, inilunsad sa Polillo, Quezon

Pormal nang binuksan nitong Martes, September 12 ang kauna-unahang Mini Science Centrum sa Region IV-A CALABARZON na inilunsad sa bayan ng Polillo, Quezon.

Ang paglulunsad ng naturang Science Centrum sa nasabing bayan ay bahagi ng pagdiriwang ng 2023 Regional Science, Technology and Innovation Week na may temang “KaSiyensyahan sa CALABARZON, Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na kinabukasan”.

Sa naging mensahe ni Gov. Dra. Helen Tan, bagama’t sa probinsya ay may dalawang science centrum pero hangad nito na mas lalo pang dumami ang ganitong pasilidad at labis siyang nagpapasalamat sa proyektong ito dahil malaking tulong sa mga mag-aaral ng Polillo Group of Islands (Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan, Jomalig) upang mas mapa-unlad pa ang kaalaman ng mga kabataan sa Siyensya at Teknolohiya.

Ang programa ay dinaluhan nina DOST Regional Director Emelita P. Bagsit, Mayor Angelique Bosque, Philippine Foundation for Science and Technology (PFST) founder and former DOST Sec. Fortunato T. Dela Peña, at DepEd CID Chief Lorena Walangsumbat.

Naisakatuparan ang pagkakaroon ng Mini Science Centrum sa Polillo Central Elementary sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Doktora Helen Tan, Department of Science and Technology (DOST), Pamahalaang Bayan ng Polillo, Philippine Foundation for Science and Technology (PFST) at Department of Education (DepEd).

Sa panahon ngayon na laganap na ang mga makabagong teknolohiya at paraan ng pagbibigay ng bagong kaalaman, hindi dapat napag-iiwanan ang mga nasa malalayong lugar gaya ng mga isla, dahil ang edukasyon ay isa pa rin sa matibay na pundasyon para sa tunay na pag-unlad ng mga kabataang Quezonian.

Pin It on Pinterest