LocalNews

Kilos-protesta kontra sa mga gawaing nakasisira sa kalikasan, ikinasa sa Quezon

Kasabay nang paggunita sa araw ni Andres Bonifacio, nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo at organisasyon sa Zone 1, Atimonan, Quezon, Nobyembre 30.


Sa idinaos na 4th Quezon Ecological Summit , sama-samang nanagawan ang Dioceses of Lucena at Gumaca, Prelature of Infanta, think-do Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), Power for People Coalition (P4P), WagGas, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Tanggol Kalikasan, Inc., at Youth for Climate Hope (Y4CH) upang itigil na ang quarrying, illegal logging, paggamit ng fossil fuel, at ipang aktibidad sa lalawigan ng Quezon na nagpapalala sa epekto ng climate change.


Ayon kay Rev. Fr. Warren Puno, convenor ng Quezon for Environment (QUEEN), hindi na dapat ipagpaliban ang pagkilos laban sa mga krisis sa klimang kinahaharap hindi lamang sa probinsya kundi maging sa buong mundo.


“Malulunod na tayo sa baha, tutuyuin ng nagbabagang panahon, at mamamatay sa polusyon. Kailangan nating kumilos, pagbibigay diin ni Fr. Puno sa patuloy na illegal logging at quarrying sa Mounts Banahaw–San Cristobal Protected Landscape sa Sariaya at iba pang bahagi ng lalawigan.


Matatandaang lubhang naapektuhan ang probinsya ng mga nagdaang bagyo tulad ng Aghon, Kristine, at Pepito.


“Kapag hinayaan pang matuloy itong atras-abanteng planta dito sa Atimonan, bukod sa
kalikasan, sira rin ang aming kabuhayang galing sa karagatan. Lalo na siyempre ang aming
kalusugan”, naman ang naging pahayag ni Ka Ramon Grimaldo, Fisherfolks Leader sa nabanggit na munisipalidad hinggil sa Atimonan One Energy’s 1200MW coal na planta kung saan nagpahayag kamakailan ang Meralco PowerGen Corp. (MGen) na handang gumastos ng $2 bilyon kasama ng isa pang proyekto sa Cebu City.


Samantala, kabilang sa mga aktibidad sa summit ang petition signing campaign na nagpapahayag ng pag-asa para sa malinis at ligtas na hangin sa Quezon Province. Inanunsyo rin dito ang nakatakdang paglulunsad ng Quezon for Environment Youth Sector. //Rio Mae Cabanga

Pin It on Pinterest