Konsehal Manong Nick Pedro, dinepensahan ang ordinansa para sa infrastructure projects sa Lucena City

Binibigyang-diin ng local government code ang pagkakaroon ng coordination at consultation sa mga LGUs at mga government agencies para sa mas maayos na pagpapatupad ng mga proyekto.

Ito ang naging sagot ni Lucena City Coun cilor Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr. sa naging patutsada ng isang bokal sa Quezon sa ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena.

Sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, pinuna ni Quezon 2nd District Board Member Bong Talabong ang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na ayon sa kanya ay nagtatakda sa pagkuha ng clearance sa city government ng Lucena bago ang implementasyon ng mga infrastracture projects at ang kaparusahang pagkakakulong at multa, inihalimbawa pa ni Talabong ang kasamahang Bokal Jerry Talaga na makukulong daw anya kung hindi kukuha ng pahintulot bago magpatupad ng proyekto sa lungsod.

Hindi naman nilinaw ni Talabong kung ang insinuwasyon na ito ay kung nangongontrata ang kasamahang board member sa infra projects ng pamahalaan.

Tanong ng bokal, hindi ba ito sampal sa gobernador o pangulo ng bansa na kailangan pa ng clearance sa lungsod para sa mga proyektong dadalhin sa Lucena.

“If this ordinance will be effected or to be implemented, that will be encroachment to other government departments, hindi lang sa pang-probinsiya,” sabi ni Bokal Talabong.

Sagot naman ni Manong Nick, hindi naman ipinagkakait ng naturang ordinansa ang proyekto para sa Lucena bagkus ipagpapasalamat pa ito ng pamahalaang panlungsod kung magkakaroon ng ganito, ngunit itinataguyod lamang ng ordinansa ang epektibong implementasyon ng intergovernmental relation na itinatakda ng batas sa pamamagitan ng coordination at consultation para walang maaksayang panahon at public funds sa implementasyon ng mga proyekto.

Malinaw din aniya na hindi naman mismong gobernador o sino mang government officials ang kailangang kumuha ng clearance, na nais palabasin ng board member, kundi ang mga contractor.

“Pero kailangan may initiative dun sa magsasagawa ng proyekto na magkaroon ng consultation and coordination dahil ‘yun ang itinatakda ng batas,” ani Konsehal Manong Nick.

Sa pamamagitan din aniya ng ordinansa, masisiguro na maipapatupad ng mga contractor ang mga ordinansa at resolusyon ng pamahalaang panlungsod gaya ng pagkakaroon ng 80% na manpower mula sa kwalipikadong residente ng Lucena at matitiyak na tama at akma sa plano ng lungsod ang mga proyekto.

Mahalaga aniya ang consultation at coordination sa mga LGUs sapagkat ito ang nakakatukoy kung ano ang mga proyekto na kailangan sa kaniyang nasasakupan.

“At mayroong sadyang ginagawa na pagpaplano ang LGU para sa pag-unlad. Hindi maaaring hihiwalay ka dito sa pagpaplanong ito sapagkat ‘pag humiwalay ka dito, sa halip na kaunlaran, disgrasya ang abutin mo,” saad ni Manong Nick.

Pin It on Pinterest