Lalaki sa Mauban arestado matapos tangkaing ipuslit ang mga isdang huli sa dinamita
Arestado ng mga tauhan ng Quezon PNP Maritime ang isang lalaki sa Mauban, Quezon matapos nitong tangkaing ipuslit ang mga isdang huli umano sa pamamagitan ng dinamita.
Ang pagkakadakip ng lalaki sa kasong paglabag sa R.A 10654 o Possessing, dealing in or disposing of illegally o gathered or taken fish ay bunsod umano ng sumbong ng concern citizen.
Bandang alas-sais y medya ng gabi noong September 6, 2023 sa Boulevard Street, Barangay Daungan nang mamataan ng suspek na may mga dalang 3 kahon ng mga isda na hinuli sa iligal na pamamaraan.
Aabot sa humigit-kumulang 120 kilo o tinatayang P10,000 ang halaga na plano sanang dalahin sa PFDA Compound sa Barangay Dalahican sa Lucena City para dito ibenta.
Sa pamamagitan ng isang fish examiner mula sa BFAR, napatuyan na ang mga isda ay huli nga sa pamamagitan ng dinamita.
Ang suspek ay nasampahan na ng kaso.
Banta ng mga awtoridad sa mga gumagawa ng iligal na pangingisda, hindi raw sila makakalusot sa kamay ng batas.