Road clearing operations sa Brgy. Market View, walang tigil na isinasagawa; anti-dengue operation, isinagawa rin
Patuloy ang pagsusulong ng Pamahalaang Pambarangay ng Market View sa Lungsod ng Lucena sa pangunguna ni Kapitan Edwin Napule sa pagtalima sa batas at kautusan ng pamahalaan tulad ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at Barangay Road Clearing Operation.
Nitong Huwebes ng umaga, September 7, katuwang ng barangay ang Pamahalaang Panlungsod ng Lucena sa pamamagitan ng City Engineering Office – Maintenance Division na kung saan tinanggal ang mga nakahambalang sa kahabaan ng Sampaloc Street, Purok Pagkakaisa ng nasabing barangay.
Ayon kay Kapitan Napule, layunin ng patuloy na clearing operations na masiguro na walang obstruction sa mga kalsada at sidewalk.
Dagdag pa ni Napule, hindi sila titigil sa pagsasagawa ng road-clearing operation sa mga kakalsadahan sa kanilang lugar partikular na sa Mabolo corner ng Nangka St. nang sa gayon ay alisin ang mga ibat ibang nakaharang sa daanan gaya na lamang ng mga nakapark na sasakyan at iba pa.
Nauna nang isinagawa ang road clearing operation sa Lanzones Street, Purok Masagana nitong Miyerkules, September 6.
Nagpaalaala naman ang Punong Barangay sa mga residente nito na patuloy ang isasagawang road clearing operation batay sa kautusan ng DILG.
Samantala, nagsagawa rin ng misting operation ang Barangay Health Emergency Response Team o BHERTs sa atas ni Kapitan Edwin Napule sa pangunguna ni Kgwd. Janinne Solo Napule, chairman ng committee on sectoral concerns / health and sanitation sa Purok Atin-Atin 2.
Ito ay matapos makapagtala ng kaso ng dengue sa nabanggit na Purok. Nagsagawa muna ng operation linis ang BHERTs bago isagawa ang misting.
Bukod dito, nagkaroon din ng house-to-house information dissemination anti-dengue disease awareness campaign sa pangunguna naman ni Nurse Mart Mareden Fangon.
Hinikayat niya ang mga residente ng lugar na agad na magtungo sa Barangay Health Center kung sakaling makaranas ng mga sintomas ng sakit tulad ng hindi paghupa ng lagnat, pagkakaroon ng rashes sa katawan, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at kawalan ng gana sa pagkain.