News

Lalawigan ng Laguna nagpalabas ng babala laban sa mga impostor

Naglabas ng babala ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna ukol sa mga nagpapanggap umanong kawani ng DILG at nanghihingi ng pinansyal na tulong para sa mga biktima ng kaguluhan sa Marawi City. Sa inilabas na pahayag ng opisina ni Gov. Ramil Hernandez ay sinabi nitong may mga taong tumatawag sa telepono at nagpapakilala umanong OIC Cuy o Ricardo Simbulan na finance officer umano ng DILG. Kapag nakumbinsi ang tinawagan sa telepono ay ipapadala ng nagpapanggap na taga-DILG ang pera sa anumang remitance center upang makuha ng mga impostor.

Kasama rin sa babala ng pamahalaang lokal ang isa pang modus ng nagpapanggap na si OIC Cuy na nag-a-alok umano ng pagpapaliban ng suspension order mula sa ombudsman ng sinomang opisyal na mayroong kinakaharap na kaso dito.

Maaaring ipagbigay alam sa lokal na opisina ng DILG kung sakaling may tumawag sa sinuman at nag-a-alok ng mga katulad na modus.

Sa mga nakaraang Bandilyo ay nagbabala na rin ang DILG tungkol sa kaparehong istilo ng mga indibidwal na ginagamit ang ahensya upang makapanloko. Nagbabala na rin noon ang pamahalaang lokal ng Cavite tungkol sa kaparehong usapin.

Pin It on Pinterest