Lalawigan ng Quezon pag-iibayuhin ang ilang produkto ng mga magsasaka
Palalaguin ng pamahalaang panglalawigan ng Quezon ang mga farm products tulad ng ng abaka, kape, manga, pinya, ampalaya, okra, kalabasa at sitaw sa ilalim ng Provincial Commodity Investment Plan (PCIP) para sa taong 2018-2020. Ayon kay provincial agriculturist Robert Gajo, ang PCIP ay pinaglaanan pondo mula sa World Bank at Philippine Rural Development Project (PRDP) upang mapaunlad ang industriya ng pagtatanim ng gulay at prutas sa lalawigan ng Quezon.
Ayon pa rin kay Gajo, ang PCIP ay isang multi-agency collaborative development effort na kailangan ang tulong ng mga ahensya na nakatutok sa agriculture, labor, trade and industry, at science and technology.
May anim na proseso ang PCIP: input supply, production support at planting materials; production at farm-to-market roads; processing, value additions; marketing, trade fair at advertising, paglikha ng market and production analysis; enabling environment, financing loan facility at policy guidelines for stakeholders; research development and extension, capability enhancement, at ang pagpapatayo ng mga demo-techno farms at product development.