Maling Impormasyon, Nagdudulot ng Gulo at Pagtatalo -Manong Nick Pedro
Gulo at pagtatalo ang dulot ng pagpapalaganap ng mga maling impormasyon kaugnay sa ginagawang rehabilitasyon sa Lucena Old Public Cemetery, ito ay ayon kay Konsehal Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr.
Sinabi ito ng konsehal nang makapanayam ang isang opisyal ng Office of the City Planning and Development Coordinator sa programang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’.
“Kung minsan nagkakagulo, nagtatalo-talo, nag-uusap, nagkakagalit dahil lang nagbibintang at kung ano-ano pang mga masasamang salita ‘yung natatanggap nung mga taong hindi naman karapat-dapat makatanggap,” sabi ni Konsehal Manong Nick.
Kaya mahalaga aniya na matanggap ng tao ang tamang impormasyon na siya namang inihahatid ng kanyang programa tulad ng issue sa rehabilitasyon sa sementeryo na ito.
At dagdag pa ni Konsehal Manong Nick na dapat pa ngang suportahan ang pagsisikap na ito ng lokal na pamahalaan upang maiayos ang huling himlayan ng mga yumao.
“Hindi ho natin ito dapat labanan, dapat nga suportahan pa natin, hindi ba? sapagkat magbibigay ito ng higit pang dignidad para dun sa mga yumao natin sapagkat inaayos natin ang kanilang huling himlayan,” saad ni Konsehal Manong Nick.