Lucena PNP nakahanda na sa papalapit na Undas 2022
Tiniyak ng Lucena PNP ang kanilang kahandaan kaugnay ng Undas 2022 sa gitna pa rin ng Covid-19 Pandemic.
Sa katunayan, ayon kay Police Major Marcelito Platino, deputy chief ng Lucena PNP, handang handa na ang kanilang hanay para sa Undas, kung saan binigyan ang publiko ng oras sa pagpunta ng sementeryo simula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi.
“Alas 6:00 ng umagang hanggang alas 8:00 ng gabi doon lang po natin pinapayagan so gabi dapat uuwi so balik na lang uli kinabukasan kung talagang gusto pa uli nilang dumalaw,” pahayag ni Platino.
Bilang tulong naman sa kanilang hanay, sinabi ni Platino na nagkaroon na sila ng coordination meeting o pagpupulong sa ilang ahensya ng gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa paggunita ng Undas.
Nagtalaga rin sila ng tatlong police assistance center sa mga pampublikong lugar upang magbantay, umalalay at masigurong ligtas ang publiko sa araw ng Undas.
“So sa 28 magsisimula na yung ating motorist assistance center yung tatlong motorist assistance center natin sa Brgy. Domoit, doon sa loob ng ating Lucena Grand Terminal at tsaka sa PPA. Yun naman establishments ng ating PADS dito sa ating cemeteries at mag-uumpisa na rin tayo andodon na yung mga tent natin,” ayon kay Police Major Platino.
Kaakibat rin nito ang pagpapaalala sa mga patakaran at maging ang mga bawal na bitbitin sa loob ng sementeryo.
Ipinagbabawal ang pagbibitbit ng mga sandata at iba pang matutulis na bagay gayundin ang pagdadala ng alak o nakalalasing na inumin, iligal na droga, pagsusugal at mga maiingay na speakers at iba pang maiingay na pantugtog.
“Ano ba yung mga ipinagbabawal yung mga alak na nakalalasing, bawal din po yung mga bladed weapon at kung maari agapan na nila yung paglilinis ng mga nicho ng kanilang mga kaanak, bawal na bawal po ang baraha, at syempre yung mga malalakas na sound system bawal yan instead na kung saan ay kukumpiskahin po ng ating mga kapulisan,” sabi ni Platino.
Hinikayat ng Lucena PNP ang publiko na gawin ng mas maaga ang pagdalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay para makaiwas sa siksikan sa loob ng sementeryo.