Mabilis na pag-apruba ng 2023 Annual Budget ng Lucena City, pinasalamatan ng Bise Alkalde
Labis na nagpapasalamat si Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa bumubuo ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena kabilang si Sec. Leonard Pensader at sa mga miyembro ng Fiscal.
“Gusto ko lang pong i-take ang opportunity na ito upang pasalamatan ang Sangguniang Panlungsod ng Lucena kasama na rin po si Secretary Leonard Pensader ang ating mga Fiscal Officials dahil sa kauna-unahang pagkakataon na naaprubahan ng napakabilis ang ating Annual Budget ng City Government of Lucena,” ani Lucena City Vice Mayor Roderick Alcala.
Ginawa ni Alcala ang pahayag nitong Lunes ng umaga sa regular na flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan sa harap ng mga kawani nito.
Ito’y matapos mapagtibay ng Sangguniang Panlungsod sa ikatlo at huling pagbasa ang annual budget ng Lucena LGU para sa taong 2023 na nagkakahalagang ₱1,455,676,373,00 sa Sangguniang Panlungsod Session Hall nitong Lunes, November 14.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang 2023 annual budget ng SP, sa pangunguna ni Majority Floor Leader, Councilor Nicanor “Manong Nick” Pedro Jr., ang chairperson ng Committee on Appropriations.
Ang pinakamalalaking bahagi ng budget ay nakalaan para sa General Public Services na nagkakahalaga ng ₱731,065,586, Social, Security and Welfare na umaabot sa ₱187,003,018, at Economic Services na may kabuuang ₱185,335,290.