News

Pag-apaw ng ilog sa spillway sa Brgy. 5, nagdulot ng trapiko

Mabigat na daloy ng trapiko ang naranasan ng mga motorista kaninang umaga sa bahagi ng Iyam Bridge matapos sarahan sa mga sasakyan ang spillway sa Barangay 5, sa Lucena City bunsod ng pag-apaw ng Iyam River. Umasiste naman ang ilang tauhan ng traffic division.

Ang mga sasakyan partikular na ang mga patungong kabayanan, nagsiksikan at bahagya nang umusad sa bahagi ng ML Tagarao St., Ibabang Iyam. Ang pagsasara ng spillway, abala ang dulot sa mga motorista lalo sa mga pumapasada.

“Abala, malayo ang iniikutan,” sabi ng isang tricycle driver.

Pasado alas 9:00 ng umaga, mas bumigat pa ang daloy ng trapiko. Ang halos hindi pag-usad ng mga sasakyan umabot hanggang sa bungad patungong Landing Road.

Ayon sa ilang residente, nagsimulang umapaw ang ilog sa Spillway. Mag-aalas 7:00 ng umaga, kagaad itong hindi pinadaan sa mga motorista. Dakong 7:30 ng umaga nang magsimulang bumigat ang daloy ng mga sasakyan sa bahagi ng ML Tagarao St., Ibabang Iyam.

“Sinaraduhan na kasi mabilis ang takbo ng tubi. Sa paglaki delikado na kaya sinarahan na iyang daan, kasi kapag ganire kalaki na, hindi na puwede padaanan na sa mga sasakyan, malakas ang agos,” sabi ng residenteng si Edwin.

Hindi naman nakaranas ng labis na pag-ulan sa Lucena City ngunit bakit kaya umapaw ang tubig ilog sa naturang spillway? Sabi ng ilang residente, ang agos ng tubig sa naturang ilog na nagpaapaw sa spillway ay mula raw sa bayan ng Lucban at Lungsod ng Tayabas.

Kapag nakaranas sa maga nasabing lugar ng malakas na pag-ulan, tiyak aapaw raw ang tubig sa spillway sa bahagi ng Barangay 5, sa Lucena City na lubhang delikado para daanan ng mga sasakyan.

“Sa Tayabas pa yan, Lucban kapag nagsabay ‘yang dalawang ‘yan talagang gan’yan ang nangyayari kahit umulan dito basta umulan doon, pababa kasi ito eh,” ayon kay Edwin.

Mag-aalas onse na ng tanghali nang maging normal ang takbo ng trapiko sa lugar. Ito’y ay nang humupa na ang baha sa spillway at maging passable na ito sa mga sasakyan.

Pin It on Pinterest