Magpinsan patay sa pamamaril sa Candelaria, Quezon
Patay ang 2 lalaki na magpinsan matapos pagbabarilin sa isang vulcanizing shop sa Barangay Poblacion sa bayan ng Candelaria, Quezon nitong Sabado ng gabi, October 8.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Jimber Perez, grade 8 student at Alexander Perez, 18 anyos, parehong residente ng Sitio Baloyboy, Brgy. Masin Sur.
Ayon sa imbestigasyon, dumating ang suspek na si John Peter De Villa, 23 anyos, taga Brgy. Pahinga Sur, na armado ng maiksing baril at unang pinagbabaril ang biktimang si Jimber na tinamaan sa dibdib at sa pisngi.
Nagawa pa umanong tumakbo ni Alexander ngunit hinabol ito ni De Villa at saka binaril sa kanang braso na tumagos naman sa kaliwang bahagi ng kilikili nito.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi pa natutukoy na direksyon.
Agad dinala sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival ng doktor.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pagpatay at tinutugis ang suspek.