Magsasaka sa Mulanay, patay matapos makuryente
Patay ang isang lalaki habang nagtamo ng pinsala ang pamangkin nito nang makuryente sila sa gitna ng palayan sa Barangay Patabog sa bayan ng Mulanay, Quezon.
Batay sa report ng Mulanay Police Station, aksidente umanong nakuryente ang dalawa sa isang nakalaylay na electric wire nang sumabit dito ang daladalang steel plow ng biktimang si Edwin Pereyra.
Nakuryente ito sa harap ng kanyang pamangkin na si Angelo Gacula. Si Angelo nakuryente rin nang tulungan nito ang kanyang tiyuhin.
Naisugod pa ang dalawa sa isang clinic subalit idineklarang dead on arrival si Edwin samantalang nakaligtas sa insidente si Angelo.
Ang mga biktima ay kapwa magsasaka, magtatatrabao lang sana sa palayan nang mangyari ang insidente.
Pasado alas tres ng hapon ng Setyembre 18 nang idulog sa himpilan ng pulisya ang pangyayari ng nagngangalang Bernie Garbin, Presidente ng Citizen Crime Watch.