Mandatory na pagsusuot ng face mask sa opisina ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, ipinababalik
Kinumpirma ni Quezon Board Member John Joseph Aquivido na may bahagyang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa lalawigan.
Kaugnay nito, iminungkahi ng bokal ang pagpasa ng sangguniang panlalawigan ng isang resolusyon na humihimok sa punong-ehekutibo ng probinsya na ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa mga opisina sa kapitolyo at muling pagtatalaga ng mga disinfection areas.
Ito ay upang maagapan umano ang patuloy na pagtaas ng bilang ng nagkakasakit ng COVID-19 at maihanda na din ang publiko kung sakali mang mapalawig sa buong lalawigan ang mga hakbangin na ito.
“I believe prevention is better than cure. Maaagapan pa po natin ito at ang implementasyon ng muling pagsusuot ng face mask ay dapat nanggagaling mismo sa loob ng kapitolyo nang sa ganun kung ito ay palalawigin natin sa buong lalawigan ay mas madali ang pang-unawa at pag-intindi ng ating mga kalalawigan,” saad ni Aquivido.
Ayon kay Aquivido na chairman ng Committee on Health and Sanitation, kapansin-pansin ang 300% pag-akyat ng naitalang kaso ng sakit nitong nakaraang dalawang linggo.
Mula umano sa 11 active case nitong Abril 18 ay tumaas ito sa 47 ngayong Martes.
Aniya, may naitala din dalawang nasawi dahil sa sakit, bagama’t ito ay mga incidental findings o ‘yung dinala sa ospital para sa ibang sakit pero nadiskubreng positibo pala sa COVID-19.
Samantala, ayon kay Aquivido, natakda ding talakayin ang mga bagay na ito sa gaganaping Provincial Health Board Meeting sa susunod na linggo.